Gulo
Tuesday, November 22nd, 2005Nilisan ko ang apat na sulok ng kolehiyo upang makipagsapalaran sa tinatawag nilang “corporate jungle” na ang tanging sandatang dala ay pag-asa hatid ng mga batayang naging gabay para makuha ang tinatawag na diploma…
“This is it!” , andito na ko sa sinasabi nilang mundo, ang mundo ng pakikibaka para makamtan ang self-actualization… pero nabulag ako ng kutitap ng mga ilaw, ng ningning ng mga nagtatayugang gusali na tila ba nagbabadya ng isang libo’t isang laksang pangako. Ngayon, napatunayan ko na mahalaga palang mamulat sa mga bagay na dapat kamulatan. Sa mundong ’to hindi importante kung gaano ka talino, kung ilang medalya nag naiakyat mo sa bahay n’yo kundi kung gaano ka kagaling humarap sa mga challenges, sa madaling salita…diskarte.
In this corporate arena, where existence is like survival of the fittest, kailangan mong matutunan sundan ang daloy ng tubig, sabayan ang tugtog para maging “in”. Hindi maiiwasang may mga naghaharing uri at ginagamit ang lakas para magmistulang alipin ang nasa ibaba, hanggang sa ang mga nasa mababang uri ay unti-unti na ring lamunin ng ganitong sistema at darating ang panahong katulad ng langaw na dumapo sa kalabaw, pakiramdam nila’y kalabaw na rin sila…
Ayokong lamunin ng ganitong sistema, ayokong sumakay sa bangkang kinabibilangan nila at lumubog kasama nila. Hanggat maaga habang bukas pa ang mga mata ko sa mga katiwaliang ito, kailangan ko ng kumilos… ngunit pano? San ako magsisisimula?
Sa palagay ko, kailangan ko ng lumabas sa kahong kinaluluklukan ko… habang may natitira pang ningas ng pag-asa sa aking pagkatao…